Hagupit ni Glenda

10492291_10154381824025650_8356764364450637424_n
ANG bumagsak na bahagi ng Calumpang Bridge sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Glenda.|JOENALD MEDINA RAYOS

NOON pa lamang Biyernes, umabot na sa 54 ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng Bagyong Glenda sa banas, particular sa Calabarzon at Bicol regions.

Ayon sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit pang 100 katao pa ang sugatan at 3 ang nawawala dahil sa naturang bagyo. Karamihan sa mga biktima ay mula sa CALABARZON o mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.

Sa nabanggit na ulat, nakasaad din na umabot na sa P1,135,026,149.76. ang halaga ng pinsala sa agrikultura.

Kabilang na dito ang pananim na palay, mais, mga high-value cash crops at livestock o mga alagang hayop sa Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Bicol regions.

Sa BATANGAS

Sa Lunsod Batangas, bumagsak ang may 22-taong Calumpang Bridge bandang alas-8:30 ng umaga. Ang naturang tulay na itinayo noong 1992 ay siyang nagdurugtong sa Poblacion Area at sa Brgy. Pallocan West na isang economic growth area ng lunsod.

Matapos bayuhin ng malakas na hangin kasama ang malakas na ulan, nagging animoy dagat ang loob ng poblacion saman-talang kinain naman ng malaking baha ang ilang bahagi ng dike sa magkabilang pampang ng Ilog Calumpang.

Matapos banggain ng malalaking torso ang isang pier o poste ng tulay, tuluyang lumambot ang kinatatayuan ng pundasyon nito at tuluyang bumagsak ang dalawang span o panel ng tulay. Ayon kay City Engineer Adela Hernandez, tinatayang aabot sa P80-milyon ang rekonstruksyon ng bumagsak na tulay.

Matatandaang nagsagawa rin aniya ang pamahalaang lungsod noong 2013 ng retrofitting ng bahagi ng bumagsak sa halagang P5M matapos magkaroon ng bitak ang isang bahagi nito bunsod naman ng sobrang bibigat at dami ng sasakyang nagdaraan dito nang bumagsak ang Bridge of Promise.

Isang barko ng Montenegro Shipping Lines ang nabahura sa baybayin ng Brgy. Pinamucan nung umaga ng Martes ngunit naisalba rin ito ng araw na iyon.

Sa Lawa ng Taal, maraming fish cages ang nawasak at nakawala ang mga alagang tilapia palabas sa Ilog Pansipit at sa Balayan Bay.

Nasawi naman ang isang babae at kaniyang anak na lalaki nang tamaan sila ng kidlat sa Nasugbu, Batangas. Kinilala ang nasawing mag-ina na sina Mercedes Grumal at anak niyang si Mark Anthony.

Sa imbestigasyon, sinasabing pauwi na ang mag-ina nitong Lunes ng gabi nang tamaan sila ng kidlat sa Barangay Pantalan sa naturang bayan. Dinala sila sa Jabez Medical Center pero idinek-larang dead on arrival.

Samantala, kabilang sa iba pang biktima sina Allan Castillo ng San Piro, bayan ng Balayan; Tomas Montalbo na namatay sa cardiac arrest habang inililikas sa rumaragasang baha sa Barangay Aplaya, bayan ng Bauan.

Sina Sonny Molino naman at Rodol-fo Arojado, kapwa ng Poblacion, San Pascual ay mga natamaan ng mga yerong inilipad ng malakas na hangin.

Kapwa naman biktima ng landslide Brgy. Nangkaan sa bayan ng Mataas-nakahoy sina Gigi Embrado Latag, 28 at Ramil Latag, 29.

Nadaganan naman ng mga nabuwal na puno sina Matea Rapal, 81, ng Brgy. Pansipit, bayan ng San Nicolas, Felisa Z. Hemor, 53, ng Brgy. Poblacion 1, Lunsod ng Tanauan; gayundin si Ramil Batalier ng Brgy. Tambo, sa Lunsod ng Lipa.

Hindi rin nakaligtas si Cesario Barte Alazar sa punong bumagsak sa kanilang bahay sa Brgy. Tiquiwan, bayan ng Rosario. Nalunod naman sa baha si Angelo Caponpon,14, ng Brgy. Quilo-quilo North, bayan ng Padre Garcia.

Unang nakasama sa mga nag-deklara ng State of Calamity ang tatlong lunsod ng Batangas – Batangas, Lipa at Tanauan – at ang mga bayan ng Calaca, Ibaan, Lemery, San Jose, at Sto. Tomas.|#BALIKAS_News

Leave a comment