Suspek sa kasong rape, huli matapos ang 10 taong pagtatago sa batas

LOBO, Batangas – MATAPOS ang may 10 taong pagtatago, nalaglag din sa kamay ng batas ang isang lalaking pinaghahahanap ng otoridad dahil sa kasong pangga-gahasa sa kaniyang pamangkin.

Positibong kinilala ni PSI Eduardo Ventura Timbol II, officer-in-charge ng Lobo MPS ang suspek na nakilalang si Carlito Canatuan y Lugatoc, 70 taong gulang, may-asawa, magsasaka, tubo at residente ng Brgy. Balibago sa bayang ito.

Sa ulat ng pulisya, nakatanggap ng impormasyon ang otoridad ukol sa pinagtataguan ng suspek, kaya’t ikinasa ng mga tauhan ng Lobo MPS sa tulong ng Regional Intelligence Unit 4A nitong Sabado ng tanghali ang operasyon ng paghahain ng Warrant of Arrest sa suspek sa Brgy. Caima, bayan ng Sipocot, Camarines Sur.

Si Canatuan ay wanted sa kasong panggagahasa noon pang taong 2008 at ipinalabas ni dating Rosario RTC Executive Judge Pablo R. Chavez ang kaukulang Warrant of Arrest. Siya rin ang No.8 Most Wanted Person sa bayang ito.

Nakapiit ngayon ang suspek sa Lobo MPC Custodial facility at walang inirekomendang piyansa para sa kaniyang pansamantalang paglaya.|JOENALD MEDINA RAYOS

‘May mananagot sa P10.3 m pamaskong bigas’ – Halili

bigas
NAUNSYAMI. KAAGAD ipinag-utos ni Mayor Antonio Halili ang pagbuo ng fact-finding committee upang imbestigahan ang delivery ng ipinamahaging bigas bilang Chjristmnas gift na nadiskubreng durug-durog at may mabahong amoy.| BALIKAS Fotobank

Ni JOENALD MEDINA RAYOS

IPINAG-UTOS na ni Tanauan City mayor Antonio Halili na maimbestigahan ang umano’y maanomalyang pagsusuplay ng mga bigas na ipinamahagi ng pamaha-laang lunsod noong panahon ng Kapaskuhan.

Sa pamamagitan ng Adminis-trative Order No. 1, Series of 2018, ipinag-utos ng alkalde ang pagbuo ng isang fact-finding committee na pamumunuan ni Atty. Ferdinand Prez, city legal officer, upang mabatid ang puno’t dulo ng kwestyonableng transaksyon at mabigyang solusyon ang dumaraming reklamo hinggil dito.

Kasama ni Perez sa naturang lupon ang mga kinatawan ng Gender and Development Office (GAD), General Services Office (GSO), City Social Welfare and Development (CSWD) at City Accounting Office.

“Bukod sa marami nga tayo natatanggap na reklamo, nakita ko rin mismo yung bigas na hindi talaga maganda, may amoy at durog kaya paiimbestigahan natin baka may mga nagkasabwatan dito,” pahayag ng pununlunsod.

Matatandaang namahagi ang pamahalaang lunsod ng Tanauan ng mga bigas sa mga residente nito bilang Christmas Gift, ngunit sa halip na magpasalamat at ikatuwa ng mga benepisyaryo ang naturang regalo at inulan pa ng batikos at reklamo ang Tanggapan ng Pununlunsod dahil sa naipamahaging bigas.

Ayon sa ilang residente, karamihan sa mga bigas na naipamahagi ay may masangsang na amoy o di kaya naman ay sobrang durog.

Umabot sa halagang P10-milyon ang alokasyon ng munisipyo para rito na mula naman sa kinita ng pamahalaang lunsod sa mga tiangge sa Kapistahan ng lunsod at noong Christmas Season.

Ipinamahagi ang mga naturang bigas sa may 45,000 kabahayan na nakasilid sa tig-5 kilo bawat isa.Bumaha naman sa social media ang mga mensahe ng pagkondina sa umano’y mga nagsamantala sa nasabing transaksyon kung kaya’t nauwi sa di maganda ang napa-kagandang intensyon ng pamahalaang lunsod na magbigay-biyaya sa mga mamumuwis.

Pahayag ni Aleng Nenita Tapia, “Hoping for a positive result….. Kung may mapapatunayang nagkasala, maibigay sa ang akmang parusa para hindi na maulit pa.”

Samantala, ayon kay OSCA chairman Nick Chavez ay hindi dapat sisihin ang  administrasyong Halili sa P10.3 milyong halaga ng pamaskong bigas na kung saan daang sako sa 4200 cavan ang pangit at hindi nagustuhan ng ilan sa 42,000 kabahayang naka-tanggap nito bilang pamasko.

Inaako raw ng OSCA ang lahat ang kasalanan dahil hindi nila naeksamin at nabantayan nang husto  ang mga ipinadalang bigas na galing sa kanilang supplier.

Gayunman ay sinisi din niya ang COA dahil sa pagpursige ng mga ito na madala agad sa kanilang ginawang bodegang Tanauan Gym II ang 4200 sako bago bayaran noong Disyembre 16.

Umamin din umano ang supplier na kung saan–saan pa nila inangkat ang mahigit 1000 sako para mahustuhan ang kanilang delivery dahil sa kaku-langan ng panahong maibahagi sa mga barangay bago mag-Pasko.

Gayundin ay inamin rin ni Chavez na naampiyasan umano ng malakas na hanging may dalang ulan sa Gym II ang daang sako na naging dahilan pagkaroon ng amoy at pagkadurog ng iba pang 10-kilo bags. At napag-aralan din niya sa Facebook messages na ang mga nagpo-post  ng mga masasama at bastos na reaksiyon kontra kay Mayor at sa bigas ay pawang mga kilala sa barangay ng mga pangulo ng seniors na mga pulitikong kontra talaga sa pamunuan ni Mayor Halili.|#BALIKAS_News